Press Release
June 3, 2025

SEN. IDOL, SUPORTADO ANG PAG-SUSPINDE NI PBBM SA EDSA REHABILITATION PROJECT!

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kahapon (June 1) ang pansamantalang pagsuspinde sa nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA upang masusing mapag-aralan ang mga pamamaraan para hindi ito makaabala sa publiko.

Matatandaan na noong May 27 ay tinalakay ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang ang isyung ito sa hearing ng Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan. At sa nasabing pagdinig, siniyasat ni Sen. Tulfo ang kahandaan ng DOTr at MMDA sa EDSA Rehabilitation Project na makakaapekto sa daang libong motorista at commuters na dumadaan sa EDSA.

Bagamat may mga proposals ang mga ahensya para sa alternate routes upang hindi raw magkabuhol-buhol ang trapiko sa kahabaan ng EDSA, lumitaw pa rin ang kakulangan nila sa kahandaan para ma-implement ito nang maayos.

Gaya na lamang halimbawa ng panukalang "Odd-Even Scheme" sa EDSA kung saan ida-dry run pa lamang ito ng isang buwan at ang hindi klarong stickering system na ipatutupad sa mga TNVS para ma-exempt sa No-Contact Apprehension Policy, na kinuwestiyon din ni Idol Raffy.

Kaya bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Services, sinuportahan ni Sen. Idol ang desisyon ni PBBM na pansamantalang isuspinde muna ang gagawing EDSA Rehabilitation, para na rin sa kapakanan ng commuting public.

Binigyang-diin ni Sen. Tulfo na mas mabibigyan nito ng sapat na panahon ang DOTr at MMDA, gayundin ang DPWH at iba pang stakeholders, upang mas mapag-aralan nang maigi at matagumpay na makapaglatag ng epektibong mga plano para sa EDSA Rehabilitation Project.

News Latest News Feed