Press Release
June 1, 2025

IMEE: Sana'y may pag-asa pa rin magkasariling bahay ang bawat Pilipino

Sa wakas, mas mahaba na ang buhay at mas pinalakas na ang mandato, kapangyarihan, at kapasidad ng National Housing Authority (NHA) dahil sa RA No. 12216 o ang NHA Act na isinulong ni Senadora Imee R. Marcos.

Pinalawig ng karagdagang 25 taon ang bisa ng NHA upang masiguro ang tuluy-tuloy nitong operasyon.

Tinaasan din ang authorized capital ng ahensya mula ₱5 bilyon tungong ₱10 bilyon. Gayunman, iginiit ni Marcos na hindi pa rin ito sapat para tugunan ang laki ng pangangailangan sa pabahay sa buong bansa.

"Kulang na kulang pa rin kung isasaalang-alang ang dami ng emergency housing at relocation projects na kailangang maisakatuparan sa buong bansa," aniya.

Bilang bahagi ng bagong mandato, itatatag ang Disaster and Emergency Response Housing Office sa ilalim ng NHA na tututok sa mabilis at direktang pagtugon sa mga pangangailangang pangkalikasan at pangsakuna.

Binigyang-diin ni Marcos na ang bagong bersyon ng NHA Act ay hindi lamang simpleng administratibong reporma, kundi isang kongkretong hakbang laban sa kahirapan.

"Ang tahanan ay pundasyon ng pag-unlad. Kapag may sariling bahay ang isang pamilya, mas may dignidad, seguridad, at pag-asa silang mabuhay nang mas maayos."

Dagdag niya, ang NHA ay naitatag pa noong panahon ng kanyang ama noong 1975 bilang bahagi ng pambansang kampanya para sa abot-kayang pabahay -- kaya't mahalagang mapanatili ang adhikaing ito sa kasalukuyan.

Sa pagpasa ng batas na nagpapatibay sa mandato ng NHA, tiniyak ni Marcos na mas magiging matatag at handa ang pamahalaan sa pagtugon sa mga hamon ng pabahay at sakuna.

News Latest News Feed