Press Release
March 20, 2025

IMEE: Whose law? Ours or theirs?

Sa ika-11 ng Marso 2025, isang batalyon ng kapulisan ang sumalubong kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa NAIA. Walang red notice at hindi man lang inimprenta ang warrant of arrest, na para bang nagmamadali silang posasan ang 80-taong-gulang na minsang naging pinakamataas na opisyal ng Pilipinas. Sa parehong araw din, sapilitang 'hinila' si FPRRD sa korte -- hindi ng ating bansa kundi korte ng dayuhan.

Nagmistulang probinsya ng The Hague ang Pilipinas -- ganito inilarawan ni Senadora Imee Marcos ang naging epekto ng pagdakip ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

"Sabi nila, batas ang dapat manaig. Tama! Pero kaninong batas? Sa atin o sa kanila? Kailan pa naging probinsya ng The Hague ang Pilipinas?" mariing ipinahayag ng senador sa kanyang panimulang pahayag sa imbestigasyon ng Komite ng Foreign Relations ng Senado ngayong Huwebes, Marso 20.

Sa ginanap na pagdinig, muling ipinalabas ang mga naunang pahayag ni PBBM kung saan iginiit niyang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas at hinding-hindi siya makikipagtulungan dito. Isa sa kanyang matitinding pahayag ay: "Uulitin ko ito sa ika-isandaang pagkakataon: Hindi ko kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas. Hindi kikilos ni katiting ang pamahalaang Pilipino upang tumulong sa anumang imbestigasyong isasagawa ng ICC."

Sa kabila ng mariing paninindigan ng pangulo, nagpatuloy ang pagdakip kay Duterte--isang hakbang na itinuturing ni Senador Imee bilang tahasang paglapastangan hindi lamang sa dating pangulo kundi sa buong bansa.

"Ilang beses na nating sinabing hindi tayo kasapi ng ICC. Hindi tayo sakop ng kanilang batas. Ngunit ngayon, hinayaan nating pumasok sila sa ating tahanan at dukutin ang isa sa atin. Kung nagawa nila ito sa isang dating Pangulo, sino ang susunod? Kung kaya nilang pumasok sa ating bansa at kunin ang isa sa atin, ano ang pumipigil sa kanila na gawin ito muli--sa iyo, sa akin, sa ating lahat?"

Iginiit ni Senador Imee na ang usaping ito ay higit pa kay Duterte. Aniya, ito ay usapin ng dangal ng Pilipino at ng ating soberanya bilang isang malayang bansa.

"Hindi lang ito laban ni Duterte. Laban ito ng bawat Pilipino."

News Latest News Feed