Press Release March 16, 2025 Cayetano binatikos ang DPWH chief sa hindi pagsipot sa Senate hearing ng Isabela bridge Binatikos ni Senador Alan Peter Cayetano ang hindi pagsipot ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Senado nitong Biyernes, March 14, tungkol sa pagguho ng P1.225-bilyong tulay sa Isabela. Punto kasi ni Cayetano, hindi lang pagsiyasat sa Sta. Maria-Cabagan bridge ang layunin ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee (BRC) kundi pagsuri rin sa kabuuang sistema ng DPWH. "If you read the resolution, it not only has to do with this bridge but how the DPWH deals with errant contractors, errant members, if any, of DPWH, and other processes. So he (Bonoan) has to be here," diin ng senador. "'Di ko nilalahat. Having said that, we want to get to the bottom of this," dagdag niya. Si Senador Alan ang inatasan ni Senador Pia Cayetano, chairperson ng BRC, na pamunuan ang motu proprio investigation ng komite kaugnay ng insidente. Bumagsak ang Sta. Maria-Cabagan bridge noong February 27, wala pang isang buwan matapos buksan ito sa publiko. Anim ang sugatan dahil sa insidente, kabilang ang isang batang kritikal ang kondisyon sa ospital. Puna ni Senador Alan, paulit-ulit na lang hindi sumisipot si Bonoan sa mahahalagang pagdinig ng Senado tungkol sa mga proyekto ng ahensya. "Sa [hearing ng] New Senate Building, hindi nag-attend. Ito napakalaking iskandalo nito na bridge, hindi nag-attend," sabi ng senador. Si Cayetano ang tagapangulo ng Senate Committee on Accounts na tumitingin sa konstruksyon ng New Senate Building. DPWH din ang implementing agency nito. Sa dalawang pagdinig na ginawa ng Committee on Accounts noong nakaraang taon, walang dinaluhan si Bonoan. Nagbabala si Cayetano na ipapa-subpoena niya ang DPWH chief kapag hindi pa rin ito boluntaryong dumalo sa pagdinig. "I will request one of you to text the Secretary... I will subpoena him if he doesn't voluntarily come here," pahayag niya sa mga representante ng DPWH. Pitong opisyales ng ahensya ang dumalo sa pagdinig, kabilang si DPWH Undersecretary for Regional Operations Eugenio Pipo Jr. at Bureau of Quality and Safety Director Reynaldo Faustino. Inatasan din ni Cayetano ang komite na isa-isahin ang mga opisyales ng DPWH na may kinalaman sa insidente para alamin ang kanilang panig at tukuyin kung kailangan din silang ipatawag. "Pero walang duda na kailangan natin ang present Secretary dito," wika ni Cayetano. Ipinatawag ng Blue Ribbon Committee ang pagdinig para busisiin ang mga ginawang bidding, planning, construction, at testing sa gumuhong Sta. Maria-Cabagan bridge, at ang mga hakbang na ginagawa ng DPWH kaugnay ng mga "abusive contractor". "Y'ung intention ng bridge na 'to is to transform the countryside. Napakagandang project. Pero now it's a symbol of our failure as a government," pahayag ni Cayetano. Nakatakdang magsagawa ng ikalawang pagdinig ang komite sa Miyerkules, March 19, 2025. |
Saturday, July 12 Friday, July 11
|