Press Release February 27, 2025 BONG REVILLA IPINAGDIRIWANG ANG UNANG PAMAMAHAGI NG P10,000 CASH GIFT PARA SA MGA LOLO AT LOLA BUONG pagmamalaking ipinagdiwang ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. na pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11982 o ang "Expanded Centenarians Act", ang pagsisimula ng pagpapatupad ng batas na ngayon ay nagbibigay na ng cash gift sa mga nakatatandang Pilipino. Noong Miyerkules (Pebrero 26) sa Malacañang Palace, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang makasaysayang inagural na pamamahagi ng P10,000 sa mga lolo at lola na umabot sa 80, 85, 90, at 95 taong gulang, bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na kilalanin at suportahan ang mga nakatatanda sa bansa. Kasabay nito, 16 na payout events ang isinagawa sa iba't ibang panig ng bansa. "Lubos po akong natutuwa na sa wakas ay nagsimula na ang pamamahagi natin ng cash gift sa mga lolo at lola na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95. Emotional moment po ito para sa akin dahil matagal ko itong pinaglaban. Ngayon, natutupad na ang pangako nating mabigyan ng munting regalo ang ating mga nakatatanda. Marami sa kanila ang talagang matagal nang umaasa rito, at ngayon ay natatanggap na nila," pahayag ni Senador Bong Revilla. Bagamat ang Expanded Centenarians Act ay nilagdaan bilang batas noong Pebrero 26, 2024, ito ang kauna-unahang pagkakataon na opisyal na ipinamahagi ang cash gift sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Sa ilalim ng batas, makatatanggap ng P10,000 cash gift ang bawat Pilipino na aabot sa mga nasabing edad, bukod pa sa P100,000 na ipinagkakaloob sa mga nakatatanda na umaabot sa 100 taong gulang. Ayon sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), ang ahensyang nangangasiwa sa pagpapatupad ng batas, mahigit P2.9 bilyon ang ilalaan ngayong taon upang matulungan ang humigit-kumulang 275,000 senior citizens sa buong bansa. Kasabay ng pagsisimula ng pamamahagi, nanawagan si Senador Revilla sa mga kinauukulang ahensya na gawing mas simple at mabilis ang proseso ng aplikasyon at pamamahagi upang matiyak na matatanggap ng mga senior citizen ang kanilang benepisyo nang walang abala. "Huwag nating pahirapan ang ating mga lolo at lola sa pagkuha ng kanilang benepisyo. Dapat ay simple at mabilis ang proseso upang agad nilang matanggap ang tulong na ito," aniya. Muling pinagtibay ni Senador Bong Revilla ang kanyang paninindigan sa pagsusulong ng kapakanan ng mga nakatatanda at nangakong ipagpapatuloy ang kanyang adbokasiya sa Senado. |
Thursday, July 17
|