Press Release February 3, 2025 EXPLANATION OF NO VOTE OF SENATOR RISA HONTIVEROS ON ENHANCED MINING FISCAL REGIME FOR LARGE SCALE METALLIC MINING ACT Good sponsor, Mr. President. Nagpapasalamat ako na tinanggap ang panukala kong pagbabago sa Section 14. Transparency and Accountability. Malaking bagay kung maisasabatas ito sa kabila ng makailang ulit na kabiguan magkaroon ng Freedom of Information Law sa ating bansa. Nagpapasalamat din ako na kasama sa mga datos na isasapubliko ang mga magiging epekto ng pagmimina sa ating mga natural capital na itinatakda ng RA 11995 o PENCAS law. Gayunpaman, ikinalulungkot ko na hindi naisama ang dalawa sa tatlo kong panukala. Una, ang pagdagdag sa royalty na nauukol sa mga katutubo kapalit ng pahintulot nila na magmina sa lupang ninuno o ancestral domain. Tinatayang P790 milyon ang royalty natanggap ng mga katutubo noong 2023. Isang porsyento lamang ito sa halaga ng mineral na nilalabas sa kanilang mga ancestral domain. Maliit na halaga na, nababawasan pa dahil binubuwisan ng gobyerno ng income tax. Upang ipagpatuloy ang labang ito, hiniling ko kay Senator Robinhood Padilla na gawin akong co-sponsor ng kanyang panukalang batas na naglalayong itaas ang natatanggap ng mga katutubo bilang royalties mula sa mga proyekto sa loob ng mga lupang ninuno . Nagpapasalamat ako kay Senador Padilla sa kanyang pagpapaunlak. Pangalawa, ang panukalang export tax. Tinutulak ko ito hindi lamang sa karagdagang buwis subalit dahil sa kinakailangang pananalapi upang mapondohan ang isang National Industrialization Program na aking isinusulong sa Alternative Minerals Management Bill. Totoong meron nakukuhang royalty ang Mines and Geosciences Bureau ngunit ito'y limitado lamang sa mga mineral reservations. Malaking bahagi nito'y masasabing reimbursement o bayad lamang para sa nagastos na ng pamahalaan sa pagtuklas ng mga mineral. Mawalang-galang lang po, Mr. President, sa aking pananaw, mas makabubuti ang isang export tax kaysa sa isang export ban na kahawig sa Indonesia. Nangangamba ako na maeenganyo ang mga kumpanya na palawakin at paigtingin pa ang pagmimina at pag-eexport upang mabawi ang kanilang puhunan bago mapataw ang ban. Mangyayari ito nang walang dagdag na pakinabang sa pamahalaan at bayan, at higit pa rito, magbubunga sa mas mabilis na pagkasira ng ating kalikasan. Dahil sa export ban ng Indonesia sa nickel, tumaas ang presyo ng metal na ito sa pandaigdigang pamilihan. Mahalaga ang nickel sa paggawa ng mga bateryang ginagamit ng mga electric vehicles. Idinulog sa aking opisina ng mga taga-Manicani, Guian Eastern Samar, na kahit low-grade nickel, tumaas rin ang presyo. Lumalaki ang nickel na hinuhukay at isinasakay sa naghihintay na mga barkong patungong Tsina. Mr. President, lubhang napakaikli ng limang taong palugit. Binubuno pa ng Ehekutibo ang critical or strategic minerals framework at iba pang reporma na aakit sa mga kumpanyang hindi lamang kukunin at ilalabas ang ating likas-yaman subalit magtatayo ng mga processing at value adding facilities. Malaking balakid pa rin ang mahal na kuryente sa bansa. Kinakailangan ding ihanda ang ating mga mamayan, lalu-lalo na ang mga kabataan, sa mga trabahong malilikha ng clean and green energy transition. Mr. President, sang-ayon ako sa layon at diwa ng inyong export ban. Kinakailangan baligtarin ang overdependency ng industriya sa exports tulad ng nasabi ko sa Alternative Minerals Management Bill. Subalit hindi napapanahon; wala pang sapat na kakayahan ngayon o sa loob ng limang taon upang mapagyaman pa ang ating mineral. Sa mga kadahilanang ito, Mr. President and good sponsor, ikinalulungkot ko na bumuboto akong NO sa SB 2826. |
Saturday, July 19
|