Press Release February 3, 2025 Explanation of Yes vote of Senator Risa Hontiveros on NHA Strengthening Bill Gusto ko pong pasalamatan ang ating Sponsor, Senator Imee Marcos, sa pagtanggap ng mga naging amyenda ko sa NHA Strengthening Bill. Gusto ko pong magbigay ng paliwanag ukol sa dalawa sa mga amyendang ito, dahil gusto kong maging maagap ang liderato ng ahensya sa pagbuo ng kanilang mga gawain: Condonation. Una po, kasama ng Sponsor, inatasan po natin ang NHA na bumuo ng panibagong condonation program para sa ating mga kababayan na hindi nakakabayad sa NHA. Mahalaga pong balikan ang programang condonation na ito, at bumuo ng isang panibagong programa dahil hindi lubos na nagtagumpay ang naunang condonation program nila na hiningi ng Senado sa pamamagitan ng resolusyon ni Senator Leila de Lima noong 2018. Pinatupad ang naunang condonation program noong 2019, bago mangyari ang pandemic. Nalaman po ni Senator Leila na mayroong humigit kumulang na 522,000 NHA accounts noong 2019 at sa bilang na ito lampas kalahati ng mga pamilya sa NHA sites o 267,293 ang may lumolobong utang at penalties at interes na nagka patong-patong na. Pagkatapos ng isang taong implementasyon ng delinquency condonation noong 2019 ay sampung porsyento lang (10 percent) 26,000 na pamilya lamang ang nakasali sa programa. 90 percent ng mga kababayan nating nasa resettlement sites na may lumobong utang ay baon pa rin sa utang nila sa National Housing Authority. Pagdating ng pandemic at nawalan ng hanapbuhay ang mga pamilyang Pilipino - walang duda na lalung lumobo lang ang bilang ng mga Pilipinong nasa resettlement sites ang baon sa bigat ng utang nila sa National Housing Authority; Alam ko po na ang interes sa utang na hindi nababayaran ay pinapatungan din ng interes at ng penalty. Tinitiyak po ng ating amendment na pati ang interes na ipinapatong ng NHA sa interes na hindi nababayaran ay pwedeng burahin na rin. Marami pa sigurong dahilan kung bakit hindi lubos na nagtagumpay ang naunang condonation law at inaasahan natin na magiging masinop ang bagong condonation program. NHA Land Banking sa Malapit para sa Transit-Oriented Housing Development. Pangalawa po, Mr President tinanggap din po ng ating Sponsor ang aking amyenda na inuutusan ang NHA na sa halip ng sa mga paanan ng bundok at sa liblib na lugar itayo ang mga NHA resettlement sites ay itayo ito sa paligid ng mga istasyon ng tren na malapit nang buksan ng Department of Transportation. Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng mga programang pabahay na isang sakay lang ay madaling puntahan mula sa trabaho sa mga siyudad. Hindi na kailangang paghiwalayin ng NHA resettlement programs ang mga pamilyang maiiwan sa resettlement sites at ang mga ama at ina ng tahanan na nasa malayo ang hanapbuhay. Matagal na po naming pinag-uusapan ito ni Senator JV, ng DHSUD at ng DoTR na gusto natin na ang ganitong makabagong paraan ng pabahay ay mapondohan ng tuloy-tuloy, maipasok sa mga master plans ng DOTR, DPWH at NEDA at maging hudyat na hindi lang natin pinahaba ang buhay ng NHA kundi pinalakas natin ito at binigyan natin ng malinaw na misyon. Salamat Madam Sponsor, Mr President. Mabuhay ang National Housing Authority! Maraming salamat po, Mr. President. |
Thursday, July 17
|